Dusit Thani Manila, Lungsod ng Makati
Agosto 19, 2024

Pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang gabi ng parangal para sa Dangal ng Wikang Filipino 2024 sa Dusit Thani Manila, Lungsod ng Makati.

Ang Dangal ng Wikang Filipino ay isang mataas na pagkilala sa mga indibidwal, samahan, tanggapan, institusyon o ahensyang pampamahalaan o pribadong sektor na may natatanging ambag o nagawa tungo sa pagsusulong, pagpapalaganap, pagpapayabong at preserbasyon ng wikang Filipino.

Ang mga pinarangalan sa programa ay ang mga nanalo sa iba’t ibang patimpalak ng Komisyon, kabilang ang mga sumusunod: ‘Dula Tayo: Pagsulat ng Dramatikong Monologo’; ‘Dula Tayo: Pagsulat ng Dulang Tandem’; Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura 2024; Dangal ng Wika at Kultura 2024; Sanaysay ng Taon 2024; Kampeon ng Wika 2024; at ang Gawad Dangal ng Wikang Filipino.

Isinagawa ang okasyong ito kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto na may temang, ‘Filipino: Wikang Mapagpalaya’, kung saan binibigyang halaga ang katangian ng wika bilang behikulo ng pagpapalaya.

* * *