Sheraton Manila Hotel, Pasay City
Abril 17, 2024
Sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), pinarangalan ang mga piling Pilipino na nagpamalas ng kahusayan sa larangan ng panitikan sa ginanap na taunang Gabi ng Parangal sa Sheraton Manila Hotel, Lungsod ng Pasay noong ika-17 ng Abril 2024.
Ang naturang parangal ay alinsunod sa ginaganap na Buwan ng Panitikan 2024 ngayong Abril, kung saan binigyang pugay ang ilang natatanging Pilipinong manunulat na nagpakita ng pagpapahalaga sa kultura at kayamanang pamana sa bansa sa pamamagitan ng kanilang kontribusyon sa literatura.
Ang mga nakatanggap ng karangalan ay sina Shaquille De Guzman, Rommel Agravante at Yvette Apurado para sa Timpalak sa Tulang Senyas; Adrian Pete Pregonir, Rowell Ulang, Allan John Andres at Andre Alfonso Gutierrez para sa Talaang Ginto: Makata ng Taon; at sina Frank Rivera at Jimuel Naval na nakatanggap ng Gawad ng Dangal ng Panitikan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Arthur P. Casanova, Tagapangulo ng KWF, na mahalaga ang Buwan ng Panitikan dahil nagsisilbi itong instrumento sa pagpaparanas sa mga mambabasa ng kaisipan at damdamin ng manunulat.
“Sa pamamagitan ng literatura, nababatid ng mga mambabasa ang mga kaisipan at pagbabagong nagaganap sa lipunang kanyang ginagalawan, ang naganap noong mga nagdaang panahon na magsilbing gabay sa pagbabago at kaunlarang nais makamtan,” ayon kay Ginoong Casanova.
* * *